bonifacio

Nobyembre 30 – Bonifacio Day

Ating kilalanin si Andres Bonifacio. Si Andrés Bonifacio y de Castro ay isang Pilipinong makabayan at rebolusyonaryo na makikita sa sampumpisong barya na isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Binansagan siyang “Ama ng Katipunan”. Siya ang nagtatag at lumaon naging Supremo ng kilusang Katipunan na naglayong makamtan ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya at nagpasimula ng Himagsikang Pilipino. Kinikilala rin siya ng ilang mga dalubhasa sa kasaysayan bílang unang Pangulo ng Pilipinas, subalit hindi siya opisyal na kinikilala. Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Nagtrabaho din siya bílang clerksales agent at bodegista. Nahilig siyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasáma ni Apolinario Mabini. Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bílang “Ama ng Rebolusyon” sa Pilipinas. Si Bonifacio at ang kaniyang mga kasamahan sa Katipunan ay may iisang layunin na marahil ay siyang naging dahilan upang ang kanilang pakikidigma ay maging matagumpay.

Sa Katipunan, “Supremo” ang kaniyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang “Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan“. Dito rin niya nakilala si Gregoria de Jesus na tinawag niyang Lakambini. Noong 23 Agosto 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin ngayo’y Bahay Toro, Project 8, Lungsod Quezon sa Balintawak ay tinipon nya ang mga Katipunero at isa-isa’y pinunit ang kanilang mga sedula.

Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa TejerosCavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lámang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mabábang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob.

Dahil sa ang mga kasapi ng Magdalo ay mga may kayang tao sa hilagang-kanlurang bahagi ng Kabite at kanilang mga taga-sunod, ayaw nila kay Andres Bonifacio sapagkat ito ay isang laki sa hirap at ayaw nilang tanggapin na sila ay pinamumunuan ng isang mahirap na kagaya ng Supremo kaya’t minamaliit nila ang kakayahan nito. Nang sinubukan ng mga kasapi ng lupon ng mga Magdalo na usisain ang kakayahan ni Andrés Bonifacio na gawin ang tungkulin ng isang Tagapangasiwa ng Panloob, na ayon sa kanila ay gawain lámang ng isang abogado, nainsulto si Bonifacio. Idineklara ng Supremo, bílang pangulo ng Katipunan, na walang bisa ang naganap na eleksiyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil ng mga Magdalo. Habang hindi pa naka-aalis ng Cavite, siya ay ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kaniyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasáma ang kaniyang kapatid na laláking si Procopio Bonifacio noong 10 Mayo 1897 malapit sa Bundok Nagpatong.

Noong 1918, ang pamahalaang ginawa ng Amerika sa Pilipinas ay nagpasimula ng paghahanap sa mga labi ni Bonifacio sa Maragondon. Isang pangkat ng mga pinúnò ng pamahalaan, mga dating rebelde, at isang kinilalang tagapaglingkod ni Bonifacio ang nakahanap ng mga buto na sinasabi nilang mula kay Bonifacio sa isang tubuhan noong ika-17 ng Marso. Inilagay nila ang mga buto sa isang urna at ibinigay sa pangangalaga ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop ng mga Hapón ang Pilipinas. Ang mga buto ay nawala dahil sa malawakang pagkasira at nakawan noong Digmaan ng Maynila noong Pebrero 1945.